Pinangunahan ni Department of Education Secretary Sonny Angara ang isinagawang flag-raising ceremony ng ahensya kaninang umaga sa Pasig City.
Ang nasabing aktibidad ay ginanap sa loob ng DepEd Central Office dahil sa masamang panahon dulot ng nananalasang bagyo.
Ito ang kauna-unahan niyang pagdalo sa nasabing ceremony bilang bagong talagang kalihim ng edukasyon.
Samantala, inilahad naman ni Angara na malaking karangalan daw ang pamunuan ang nasabing kagawaran dahil itinuturing daw ni PBBM na isa sa pinakamahalagang ahensya ito ng gobyerno.
Ibinahagi rin niya na naging ‘smooth’ lamang daw ang transition nito kamakailan kung kaya’t tila kabisado na rin nila ang ilan sa mga isyu sa naturang departamento.
Habang humingi naman sya ng tulong sa hanay nito upang makabuo rin sila ng solusyon sa kabi-kabilang isyu.
Sa kabilang banda, inilatag din Angara ang ilan sa mga ibinabang mandato sa kanila ni PBBM.
Isa na nga rito ang pagtitiyak at pag-aalaga sa mga guro dahil sila raw ang puso ng educational system sa bansa, gayundin ang pagtataas ng antas ng ating edukasyon dahil nakikita raw ng Pangulo na nangungulelat ang bansa pagdating sa mga national achievement test.
Gayundin ang pag pa-prayoridad ni Angara sa kalusugan ng mga guro.
Sa ngayon ay tiniyak naman ni Angara na bukas ang kaniyang opisina sa kung sino mang nais kumausap sa kaniya.