-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na dumadaan sa masusing quality assurance inspection ang lahat ng mga self-learning modules na kanilang ipinamamahagi sa milyun-milyong mga estudyante.

Sa kabila pa rin ito ng mangilan-ngilang mga pagkakamali na nakikita sa mga modules.

Sa isang virtual briefing, sinabi ni Education Usec. Tonisito Umali na kinilatis nila nang husto ang nilimbag na mahigit 667-milyong modules, at kung may pagkakamali man ay nangako sila na kanila itong aayusin.

“Sa bilang na ibinigay ko, siguro naman puwede natin sabihin na, as general rule, undoubtedly our self-learning modules are all quality assured, except for some,” wika ni Umali.

Aniya, bagama’t nalulungkot sila na may mga modules na nakakalusot sa quality control, tanggap daw nila ang mga kritisismo na makakatulong daw para maitama ang mga pagkakamali.

“Inaamin natin na merong nakakalusot na mangilan-ngilan. Kami po’y nagpapasalamat sa mga nakakakita nito at pinapaabot sa ating kaalaman,” ani Umali.

Kaugnay nito, inihayag ni Umali na sa mga susunod na linggo ay ipapamahagi na ang mga textbooks upang maging supplement sa ginagamit na mga modules.

Samantala, siniguro ng education official na weekly ang paglalabas nila ng assessment sa distance learning upang kanilang mabatid ang mga aspeto na kailangan pa nilang itama.