-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Education (DepEd) na maaaring i-adjust ng mga eskwelahan ang mga klase sa gitna ng mainit na panahon.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, maaaring i-adjust ng iskedyul ng mga klase sa umaga mula alas-6 hanggang alas-10 habang sa hapon naman ay mula alas-2 hanggang alas-6.

Para mabawasan din aniya ang negatibong epekto ng mainit na panahon sa pag-aaral ng mga estudyante, sinabi ng kalihim na maaaring mag-shift ang mga eskwelahan sa alternative delivery modalities (ADMs) kapag pumalo ang heat index sa 43 degree Celsius o mas mataas pa base sa mga direktiba mula sa mga lokal na pamahalaan.

Inatasan din ng DepEd ang learning institutions na ayusin ang bentilasyon sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga humaharang sa hangin at magbigay ng karagdagang electric fans sa mga silid-aralan.

Dapat din aniyang may hydration stations at insulated water containers at first aid kits na may lamang cooling packs at emergency thermometers.

Dapat din na i-monitor at pigilan ng school medical personnel ang anumang isyu sa kalusugan dahil sa init gaya ng heat cramps, pagkahapo at stroke. Nangangahulugan na dapat limitahan ang outdoor activities kapag kasikatan ng araw, sa halip ay gamitin ang mga may lilim gaya ng school courts.

Ipinag-utos din ng ahensiya ang patuloy na information dissemination kugnay sa mga epekto ng labis na init sa kalusugan ng tao.