Siniguro ng Department of Education (DepEd) ang kasapatan ng nakalaang school days sa ilalim ng SY 2024-2025 para maituro ang mga aralin sa mga mag-aaral.
Sa ilalim kasi ng kabubukas na school year, mayroon lamang 173 araw na nakalaan para sa mga mag-aaral.
Ayon sa DepEd, hindi na kailangang magpatupad pa ng class suspension sa buong school year.
Kung sakali mang may bagyo at iba pang mga kalamidad, plano ng DepEd na magpatupad na lamang ng distance learning sa mga apektadong lugar kapalit ng face-to-face learning.
Maliban dito, plano rin ng DepEd na magbigay ng mga self-learning modules sa bawat estudyante.
Ang mga naturang module ay maaari umanong iuwi ng mga estudyante at gamitin na lamang ang mga ito sa mga panahong imposibleng isagawa ang face-to-face classes.
Maalalang maagang sinimulan ang bagong school calendar ngayong taon dahil sa paghahangad ng pamahalaan na bumalik na sa dating SY.
Mula July 29, magpapatuloy ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral hanggang April 25, 2025 at ihahanay ang school break sa dating April at May kung saan nasa kasagsagan ang summer season o mainit na panahon sa Pilipinas.