Sinimulan na ng Department of Education (DepEd) na imbestigahan ang isyu sa ghost students sa ilalim ng Senior High school voucher program sa mga pribadong eskwelahan sa 9 na schools division.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, kanilang siniseryoso ang naturang mga alegasyon. Aniya, anumang uri ng maling paggamit ng kaban ng bayan na nakalaan para sa kritikal na programa sa edukasyon ay hindi kukunsintihin kayat ang naturang imbestigasyon aniya ay isang mahalagang hakbang kasabay ng paghahanap sa katotohanan at pagpapanagot sa mga responsable sa likod nito.
Kinumpirma din ng mga opisyal ng ahensiya na kanilang sinisiyasat ang mga personnel at school officials na posibleng nag-facilitate sa naturang fraudulent activities sa 12 pribadong institusyon.
Samantala, sinabi pa ng kalihim na sinimulan na ng ahensiya na gumawa ng recourse actions kabilang ang paghahanda ng posibleng termination ng accreditation para sa mga sangkot na eskwelahan at pagkalap ng ebidensiya laban sa mga dawit sa isyu.
Tinitignan din ng ahensiya ang posibleng legal measures para sa mga mapapatunayang may paglabag kabilang ang administrative at criminal sanctions alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Samantala, tiniyak naman ng DepEd sa publiko na makakatanggap ang mga apektadong lehitimong benepisyaryo ng programa ng kaukulang tulong para maipagpatuloy ang kanilang edukasyon nang walang pagkaantala.