-- Advertisements --
image 247

Bago ang phased implementation sa susunod na taon, inihayag ng Department of Education (DepEd) na sisimulan na nila ang pilot na implementation ng revised K to 10 curriculum ngayong school year.

Ayon kay DepEd Undersecretary for Curriculum at Teaching Gina Gonong, kaya gumagawa ng pilot implementation ang kanilang departamento ay para mas handa ito sa pagpapatupad sa susunod na pasukan.

Una nang pormal na inilunsad ng DepEd ang bagong K to 10 curriculum, dalawang linggo bago magsimula ang klase sa mga pampublikong paaralan sa Agosto 29.

Ipinaliwanag ni Gonong na ang pilot implementation ng MATATAG K to 10 Curriculum ay isasagawa sa mga piling paaralan sa buong bansa.

Aniya, pg-aaralan nila ang mga hamon na haharapin para matugunan ang mga gaps at para maging mas handa ang DepEd pati na ang mga guro na ituro ang bagong curriculum kapag ito ay nailunsad na sa School Year 2024-2025.

Ang pilot implementation, paliwanag ni Gonong, ay lalahukan ng mga piling paaralan mula sa Metro Manila at iba’t ibang rehiyon.

Para sa pilot na pagpapatupad ng MATATAG K TO 10 curriculum ngayong taon, sinabi ng opisyal na ihahanda ang mga in-house learning materials sa tulong ng mga katuwang ng DepEd.