-- Advertisements --

Siniguro ng Department of Education (DepEd) na ipamamahagi nila ang mga subsidiya sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act (Bayanihan 2) sa mga mag-aaral sa oras na matapos na ang application process para sa ayuda.

Paliwanag ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla, nagkaroon ng delay sa application process dahil sa napakalawak na sakop ng mga potential beneficiaries.

“Medyo natagalan po sa DepEd ang pag-finalize at pag-umpisa ng ating application process for the subsidy kasi mas malaki po iyong aming coverage. Kasama ang public at private [school] learners from kinder to Grade 12,” wika ni Sevilla.

“Ongoing po iyong aming application process. Wala pa pong nadi-disburse. Gagawin po namin ito as soon as makuha namin ang mga application,” dagdag nito.

Ani Sevilla, makakakuha ng P5,000 ang mga benepisyaryo mula sa mga pribadong paaralan, habang may P3,000 naman ang mga recipient sa public schools.

Kamakailan nang hinimok ni Sen. Sherwin Gatchalian ang DepEd na bilisan ang distribusyon ng subsidiya sa ilalim ng Bayanihan 2.

Nasa P300-milyon ang inilaan para sa basic education subsidies ng naturang relief measure.