Ikinokonsidera ngayon ng Department of Education (DepEd) na magsagawa ng ilang Saturday make-up classes.
Layunin ng naturang plano upang makayanan ang posibleng kakulangan ng araw ng pasok busnod ng pagtatapos ng school year 2024 -2025.
Sa pagdinig sa House Committee on basic education and culture, sinabi ni DepEd Director Leila Areola na inaasahang magsisimula ang SY 2024-2025 sa Hulyo 29 at magtatapos sa Marso 31, 2025 na nangangahulugan na mayroon lamang 163 araw na pasok para sa nasabing academic year.
Para maabot ang 180 na araw ng pasok kada taon na ideal para sa DepEd, dapat na magsagawa ng Saturday classes subalit hindi tuwing araw ng Sabado.
Subalit sinabi ni Dir. Areola na kailangan pa rin nilang komunsulta sa mga guro at estudyante kaugnay sa naturang isyu.
Tinanong naman ni committee chairperson at Pasig Rep. Roman Romulo kung saang batas o DepEd orders nakasaad na 180 days ang minimum para sa isang school year, sinabi ni Areola na walang ganoong batas.
Bagamat ang nakasaad lamang sa batas ay ang maximum na bilang ng araw ng pasok, ang average number umano ng school days simula noong SY 1993-1994 ay nasa 203.
Nang binalangkas din aniya ang curriculum, nasa 180 days ang kanilang na-compute na posibleng minimum na bilang ng araw ng pasok.
Sinabi naman ng DepEd official na makukumpleto ang mga konsultasyon sa stakeholders ngayong Mayo.
Maalala na muling nabuhay ang panukala na ibalik ang dating academic calendar kasunod ng kanselasyon ng face to face classes dahil sa nakakapasong init ng panahon sa loob ng mga silid-aralan.
Inaasahan naman na maibabalik na sa SY 2024-2025 ang dating school calendar mula June hanggang Marso.