-- Advertisements --

Tinanggal ng Department of Education (DepEd) ang nasa 55 eskwelahan mula sa Senior Hugh School (SHS) voucher program dahil sa isyu kaugnay sa umano’y ghost students o nonexistent student.

Ito ang ibinunyag ni DepEd project manager III Tara Rama nang tanungin ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel kaugnay sa eksaktong bilang ng umano’y ghost student sa pagdinig ng House Committee on Basic education and Culture ngayong Huwebes, Marso 6.

Ayon kay Rama, nasa 22 eskwelahan ang na-terminate sa programa noong school year (SY) 2021-2022, 32 naman noong SY 2022-2023 habang isa naman ang na-terminate noong SY 2023-2024. May 12 ding eskwelahan ang under investigation.

Tinanong din ng mambabatas kung ilang vouchers ang ibinigay sa nasabing mga eskwelahan, subalit nilinaw ni Rama na hindi na inilabas ng DepEd ang P200 million na halaga ng vouchers matapos makita ang discrepancies mula sa nasabing mga paaralan.

Ipinaliwanag din ni Rama na hindi matatawag na ghost student ang mga ito dahil maaaring lumipat ang mga ito sa pribadong eskwelahan sa unang mga buwan at kalaunan ay umalis at bumalik sa pampublikong paaralan dahil nagkaroon ng problema, kayat hindi tiyak na ghost student ang lahat ng mga ito.

Matatandaan, unang ini-rolyo ang naturang programa noong taong 2015 sa layuning gawing mas accessible ang SHS education sa mga mahihirap na estudyante at mabawasan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng pagbibigay ng vouchers para makapag-enrol sa private institutions.

Nakakatanggap ang mga grantees ng voucher na nagkakahalaga ng P14,000 hanggang P22,500 depende sa lokasyon ng estudyante.