-- Advertisements --

(Update) BACOLOD CITY – Ikinalulungkot ng Department of Education (DepEd) ang sinapit ng limang mga high school students na namatay sa banggaan ng van at cargo truck sa Zamboanguita, Negros Oriental kahapon.

Nabatid na ang 10 estudyante at isang guro ng Basay National High School ay mula sa Math Sayaw–Regional Math Camp sa Cebu City.

Mula sa Dumaguete City ang van at pabalik na sa Basay nang mabangga nito ang cargo truck sa Barangay Mayabon, Zamboanguita.

Ayon sa DepEd, isang Grade 7 at apat na Grade 11 learners ang kabilang sa mga namatay.

Ang limang Grade 11 learners at ang kanilang coach naman ay nananatiling ginagamot sa ospital.

Nagpaabot na nang pakikiramay ang DepEd sa pamilya ng limang estudyante at tiniyak na magbibigay sila ng suporta.

Ayon sa DepEd, nagbibigay na ngayon ng assistance sa mga biktima ang Region 7 Office at Schools Division Office ng Bayawan.

Nabatid na ayon sa imbestigasyon nawalan ng kontrol sa van ang driver na si Jaypee Sarad ng Dauin, Negros Oriental dahil madulas umano ang kalsada.

Lumipat sa kabilang lane ang van hanggang sa bumangga sa cargo truck na minamaneho ni Elpedio Delos Santos Jr. na magta-transport sana ng tubo.

Dahil sa malakas na impact, namatay ang limang estudyante at isa pang pasahero.

Ang siyam na mga pasahero ay patuloy na ginagamot sa Negros Oriental Provincial Hospital at Silliman University Medical Center.