Positibo ang Department of Education na hindi na magkakaroon pa ng learning gap sa mga mag-aaral sa bansa sa susunod na mga panahon.
Ayon kay Deped Undersecretary Michael Poa, walang nakikita ang kanilang kagawaran na anumang posibleng maging dahilan ng pagkakaroon ng learning deficiencies sa bansa sa oras na magpatupad na ng kaukulang adjustment ang ahensya sa araw ng pasukan ng mga estudyante.
Aniya, kumpiyansa ang DepEd na hindi makokompromiso ng adjustment ng School Year 2024-2025 ang learning competencies ng mga mag-aaral sa Pilipinas.
Ngunit gayunpaman ay siniguro naman ng opisyal na makikipag-ugnayan din ang ahensya sa mga guro upang masiguro ang edukasyon ng bawat estudyanteng pumapasok sa mga paaralan.
Sa katunayan ay kasalukuyan na aniya nilang pinag-uusapan ngayon ang curriculum side nito upang magabayan ang mga guro at matiyak na matututo ang mga mag-aaral sa araw-araw nilang pagpasok sa eskwelahan.
Kung maaalala, kamakailan lang ay ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Deped na i-adjust ang school year 2024-2025 at gawin itong mula Hulyo 29 hanggang Abril 15, 2024 mula sa orihinal na petsa nito na Marso 31 na iminungkahi naman ng Education Department.