Todo paghahanda na ang Department of Education (DepEd) para suportahan ang mga gurong magsisilbi sa 2025 midterm elections.
Inaasahan kasi na nasa libu-libong mga guro at education personnel sa buong bansa ang magsisilbi bilang election workers sa nalalapit na halalan sa Mayo 12.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, committed ang ahensiya sa pagprotekta at pagsuporta sa mga guro at kinikilala ang kanilang mahalagang papel bilang frontline guardians ng demokrasiya.
Kayat bilang kapalit aniya, kanilang sinisigurong ang kanilang serbisyo ay masusuklian ng pasasalamat, preparasyon at proteksiyon.
Binigyang diin din ng DepEd ang pakikiisa nito sa kamakailang paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Commission on Elections (Comelec), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang key agencies.
Kabilang sa nakasaad sa probisyon ng naturang kasunduan ang pagbibigay ng legal at medical assistance para sa mga gurong magsisilbi sa araw ng eleksiyon.
Layunin ng pagsasama-sama ng inter-aganecy na masiguro ang ligtas, patas at mapayapang proseso ng halalan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bukod dito, in-activate na rin ng DepEd ang Election Task Force sa lahat ng lebel mula sa central, regional at schools division offices, para sa mabilis na pagbibigay ng real-time monitoring at pagresponde sa mga insidente.
Ang naturang task force ay makakatanggap naman ng honoraria, overtime pay o compensatory time off alinsunod sa government rules at kanilang employment status.