-- Advertisements --

Umaasa pa rin ang Department of Education (DepEd) sa karagdagang P2,000 na dagdag honoraria para sa mga gurong magsisilbi sa 2022 elections.

Ito ay sa kabila ng pag-apruba ng Commission on Elections sa kanilang pagtaas sa sahod sa unang bahagi ng buwang ito bilang pag-anticipate ng mas mahabang oras ng pagboto sa araw ng halalan sa susunod na taon.

Sa isang pahayag, sinabi ng kagawaran na habang inaprubahan ng Comelec ang kanilang hiniling na dagdag sahod, ang “granted rates ay mas mababa sa proposed remuneration ng DepEd.”

Ang naaprubahang honoraria para sa mga guro sa resolusyon ng Comelec noong Nobyembre ay ang mga sumusunod:

Chairperson of electoral board – P7,000
Members of EB – P6,000
DepEd Supervisor Official (DESO) – P5,000
Support staff – P3,000
Medical personnel – P3,000

Mas mataas na ito kumpara sa 2019 rates.

Batay sa resolusyon ng Comelec, nabigyan ng P2,000 pay hike ang mga EB chair sa susunod na taon, P2,500 ang mga miyembro ng EB, at ang DESO at mga support staff ay nabigyan ng P3,000 na pagtaas.

Ngunit ang kahilingan ng DepEd na inihain noong Hunyo 2021 ay may mga sumusunod na rate:

Chairperson of EB – P9,000
Members of EB – P8,000
DESO – P7,000
Support staff – P5,000

Sinabi ng departamento na ang mga ito ay batay sa Consumer Price Index at Inflation Rate noong Enero, kaya naman hinihiling nila ang bahagyang pagtaas.

Inihayag din ni Education Secretary Leonor Briones na makikipag-coordinate sila sa Comelec sa nasabing usapin.

Aapela rin ang ahensiya para sa insurance coverage para sa mga guro na maaaring magpositibo sa COVID-19 habang nasa election duty.