Umaapela ang Department of Education sa mga lokal na pamahalaan na iwasang gamitin ang mga paaralan bilang evacuation centers sa nalalapit na panahon ng tag-ulan dahil maaari umano itong makaantala sa pag-aaral ng mga estudyante.
Ayon kay DepEd spokesperson USec. Michael Poa, idinulog na nila ang naturang concern sa idinaos na panibagong council meeting kasama ang National Disaster Risk Reduction and Mangement Council (NDRRMC).
Samantala, base sa nirepasong depEd Order 37 na nilagdaan ni VP at Education Sec. Sara Duterte, maaari lamang gamitin ang mga paaralan bilang immediate evacuation site sa panahon ng mga kalamidad subalit hindi dapat na lumagpas ng 15 araw.
Habang ang mga klase para sa kindergarten hanggang Grade 12 at trabaho sa public schools ay awtomatikong kanselado sa mga lugar na nasa Tropical Cyclone Wind Signals 1,2,3,4,o 5.
Bilang paghahanda naman sa nalalapit na La Nina phenomenon, sinabi ng DepEd official na ipagpaptuloy ng ahensiya ang pagpapatupad ng alternative delivery modes sakaling kailanganing suspendihin ang in person classes.
Maliban dito, kinukumpuni na rin ang mga state-run schools na may mga sira para sa paghahanda sa panahon ng tag-ulan.