-- Advertisements --

Itinuturing ng Department of Education (DepEd) na matagumpay ang unang araw ng balik eskwela sa buong Pilipinas.

Kahapon ay halos 25-milyong estudyante ang lumahok sa unang araw ng pasukan, na siyang gumagamit ngayon ng internet, printed modules, telebisyon at radyo para maipagpatuloy ang klase kahit may nararanasang pandemya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay DepEd Usec. Tonisito Umali, bagama’t may mangilan-ngilang mga problema na nakarating sa kanilang mga tanggapan, hindi raw ito malaki at naayos naman agad.

Partikular na tinukoy ni Umali ang mahinang internet connectivity, self-learning modules at maging sa enrollment.

“Maliban po sa ganitong mga issues na puwede namang tugunan ay naging maayos po talaga ang unang araw ng pasukan,” wika ni Umali.

Una rito, sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones na handa silang tugunan ang mga hamon sa pagpapatupad ng distance learning.

Tiniyak din ni Briones sa publiko na magiging available ang resulta ng kanilang assessment sa implementasyon ng blended learning kapag kanila na itong natapos natapos.

“Namo-monitor ito on a day-to-day basis. At saka, kung may challenge na lumalabas, gumagawa tayo ng adjustment,” sambit ni Briones.

Samantala, umaasa rin ang kalihim na tataas pa ang enrollment turnout sa mga paaralan kasabay ng unti-unti ring pagbubukas ng ekonomiya ng bansa na sumadsad dahil sa health crisis.

“Dahil unti unti nang binubuksan ang ating ekonomiya, magkakaroon ng ng trabaho ang mga parents, makabalik sila sa gawain nila at makayanan na nila mapagaral ang kanilang mga anak,” ani Briones.

“With the opening of the economy, yung workers na nagaaral sa gabi, nag-aaral during weekend, ‘pag nakabalik sila ng trabaho, balik eskwela din sila,” dagdag nito.

Sa pinakahuling datos mula sa DepEd, nasa 24.7-milyon nang mga mag-aaral ang nag-enroll sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.