-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na wala silang partnership sa tanggapan ni Vice President Leni Robredo para sa face-to-face sessions partikular sa mga Community Learning Hubs.

Ang mga learning hubs na ito na inilunsad ng Office of the Vice President (OVP) ay magbibigay daw ng suporta sa mga estudyante sa pamamagitan ng libreng access sa computers, gadgets, at iba pang kagamitan para sa kanilang pag-aaral.

Sa pahayag ng DepEd, batid naman daw ng lahat na dahil sa COVID-19 pandemic ay distance learning muna ang ipinatutupad sa mga eskwelahan, at kailangan pa ng basbas ng Pangulong Rodrigo Duterte bago muling payagan ang pagsasagawa ng face-to-face classes.

“We are not privy to how the OVP has represented their initiative to media, and are responding only to the news item. Last August, we forwarded OVP’s letters and our reply to the President and to the Executive Secretary,” saad ng DepEd.

“While we stated in our letter-reply that we welcomed the initiative of the OVP, this was in a general sense as we welcome all support for learning continuity, but we sought details precisely to allow us to evaluate the initiative. It was clearly not an agreement to a partnership, much less a reversal of a standing policy of no face-to-face classes at this time, even on a limited scale,” dagdag nito.

Una rito, sa press briefing sa Malacanang, sinabi ni Education Sec. Leonor Briones na wala silang kinalaman sa naturang mga learning hubs.

Ayon kay Briones, nag-request ang OVP ng approval ng DepEd para sa proyekto pero matapos mapag-aralan ang detalye, hindi nila ito pinayagan dahil ang polisiyang sinusunod ay wala munang face-to-face classes hangga’t walang sinasabi ang Pangulong Duterte.

Sa panig naman ni Robredo, inihayag ni OVP spokesperson Atty. Barry Gutierrez na may koordinasyon sa DepEd ang naturang programa ng tanggapan, at mismong si Briones pa raw ang pumuri sa inisyatibo.

Malinaw din aniya nilang sinabi sa DepEd na hindi alternatibong site para sa face-to-face classes ang Community Learning Hubs ng OVP.

Layunin lang daw kasi nito na makapagbigay ng serbisyo sa mga estudyante na walang kagamitan para sa ipinatupad na blended learning.

Hindi rin umano sila namilit sa mga local government units para makipag-partner sa inisyatibo.

“The Community Learning Hubs initiative was coordinated with the Department of Education, at both the national and local levels, every step of the way. In official correspondences between OVP and DepEd, Sec. Briones herself mentioned that ‘it is a good initiative’ and in fact requested additional details to ‘evaluate the feasibility of implementing such a program at scale’,” wika ni Gutierrez.

“Until today, national DepEd did not express any opposition to the initiative, and our Office has in fact been ready for any coordination to scale up the hubs,” dagdag nito.