-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Walang nakikitabang problema ang Department of Education sa pagtigil ng Kto12 program sa mga state at local university and colleges.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Education Bicol Director Gilbert Sadsad, matagal ng nakapaghanda para rito ang ahensya lalo pa’t taong 2021 pa sana ititigil ang pagtanggap ng senior high sa mga state at local university and colleges.

Ayon kay Sadsad, sakaling matuloy man ito, nasa 500 lamang na mga estudyante sa rehiyon ang kailangang lumipat sa ibang paaralang sekondarya na nagtuturo ng senior high kung kaya hindi problema ang congestion.

Sa ngayon kasi ay nasa 1,100 na mga estudyante pa ang nag-aaral sa apat na state at local university and colleges kasama na ang Libon Community College, Catanduanes State University, Bicol University College of Education at Sorsogon State University.

Nasa 600 sa mga ito ay nakatakda ng magtapos ngayong school year.

Pinawi rin ni Sadsad ang pangamba ng ilang mga guro dahil nakahanda naman umano ang Commission on Higher Education na ilipat sa ibang klase ang mga guro na mawawalan ng matuturoang estudyante dahil sa pag-alis na ng Kto12.