Siniguro ng Department of Education (DepEd) na walang pagbabago sa mga ituturong asignatura ngayong school year 2020-2021 sa kabila ng pagpapatupad ng distance learning.
Sa isang virtual press briefing, sinabi ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio na nagtanggal lamang sila ng ilang mga learning competencies o mga kaalamang dapat matutunan ng mga bata.
Ngunit may kalayaan naman aniya ang mga eskwelahan na mag-adjust sa kung anong mga subject ang ituturo kada buwan pero dapat ay maituro ang lahat ng walong core subjects kada grading quarter.
“Puwede kasi na hindi sa isang araw walong subjects ang bata. Puwede kasing apat o dalawa pero basta pagkatapos ng isang markahan na-cover na nila lahat yung ibat-ibang learning areas na ‘yon. ‘Yung mga ganon pinayagan ng aming tanggapan,” ani San Antonio.
Ang walong core subjcts ay ang English; Mathematics; Filipino; Science; Araling Panlipunan; Technology and Livelihood Education o TLE (para sa high school); Edukasyong Pangkabuhayan at Pangtahanan (para sa elementary); Music, Arts, Physical Education, and Health (MAPEH); at Edukasyon sa Pagpapakatao (ESP).
Tanging ang mga Grade 1 at 2 lamang ang may Mother Tongue subject.
Samantalang ang senior high school students ay may ibang mga subjects na nakadepende kung saang track sila naka-enroll.
Bilang bahagi ng Basic Education Learning Continuity Plan (BE-LCP) ng DepEd, umabot lamang sa mahigit 5,000 ang napili nilang most essential learning competencies sa curriculum ng K to 12, mula sa orihinal na 14,000.
Una na ring tiniyak ng kagawaran na hindi naman ito makakaapekto sa pagkatuto ng mga estudyante.
Paliwanag ng ahensya, noon pa man ay ipinag-utos na ni DepEd Sec. Leonor Briones ang pagrepaso sa curriculum matapos makita na may mga redundant o nag-o-overlap na mga learning competencies.