Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na wala itong planong ibalik mula sa Abril hanggang Mayo ang summer vacation ng mga maga-aaral sa Pilipinas.
Ito ay sa kabila ng ilang panawagan nang matinding init ng panahon na nararanasan sa bansa na kung saan naitatala pa minsan ang mahigit 50 degrees Celsius na temperatura sa ilang bahagi ng ating bansa.
Ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, sa ngayon ay wala pang plano ang kagawaran na ibalik sa dating schedule ang school break ng estudyante.
Ngunit nilinaw niya na mayroong discretion ang mga school heads na isuspend ang mga in-person classes at agad na magswitch sa Alternative Delivery Mode o Blended learning kung kinakailangan.
Kung maaalala, una nang ipinahayag ni Senate basic education committee chairman Sen. Sherwin Gatchalian na kinakailangan nang ibalik sa Abril hanggang Mayo ang schedule ng summer vacation ng mga estudyante sa bansa matapos ang kamakailan lang na insidente sa Cabuyao City, Laguna kung saan aabot sa mahigit 100 mga estudyante ang kinailangang isugod sa ospital habang nagsasagawa ng surprise fire drill ang kanilang paaralan.