-- Advertisements --

Pinag-aaralan ng gobyerno ng Pilipinas kung magpapatupad ng panibagong deployment ban sa mga overseas Filipino workers (OFW) sa Kuwait.

Ito ay kasunod ng kamakailang pagkasawi sa Kuwait ng 2 OFW na sina Jenny Alvarado at Dafnie Nacalaban.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, naipaalam na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sinapit ng 2 OFW.

Aniya, kung sakali man lumabas sa kanilang pagsusuri na makakatulong ang suspensiyon sa deployment ng mga OFW sa naturang bansa, kanila itong gagawin.

Ikinokonsidera din aniya ang pagpapatupad ng mas mahigpit na mga patakaran at requirements sa deployment ng mga OFW sa Kuwait.

Sa ngayon, ayon kay Sec. Cacdac, ang ipinagbabawal ng gobyerno ng PH ay ang pagpapadala ng first-timers na domestic workers sa Kuwait matapos ang brutal na pagpatay sa OFW na si Jullebee Ranara ng anak ng kaniyang among Kuwaiti.