-- Advertisements --

Susupendihin muna ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang pagpoproseso ng mga papeles ng mga nurses at iba pang mga healthcare workers na nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa.

Ayon sa POEA, kasalukuyan na kasing naabot ang itinakdang deployment cap ng Inter-Agency Task Force (IATF) o bilang ng mga health care workers na maaaring magtrabaho abroad.

Dahil dito ay hindi na muna papayagan na mabigyan ng Overseas Employment Certificate (OEC) ang mga manggagawa sa pangkalusugan na nagbabalak na mag-abroad.

Sa itinakdang patakaran kasi ng IATF nasa 6,500 lamang ang bilang ng mga healthcare workers na papayagang mangibang bansa sa taong ito.

Magpapatuloy ang pagpapatupad sa nasabing suspensyon hanggang wala pang panibagong inilalabas na anunsyo ang Inter-Agency Task Force.

“Pursuant to POEA Governing Board Resolution No. 17, Series of 2020 and POEA Advisory No. 79, Series of 2021 on the lifting of the moratorium or temporary suspension on the deployment of nurses, nursing aides and nursing assistants, and increasing the annual deployment cap from 5,000 to 6,500, the Administration hereby announces that the said ceiling has been reached as of date,” ani POEA head Bernard Olalia sa Advisory No. 144.

Samantala, nilinaw naman ng POEA na patuloy pa ring papayagan na makabiyahe ang mga nakakuha na at nakapagproseso na ng kanilang mga papeles bago ilabas ng ahensya ang nasabing panukala. (with reports from Bombo Marlene Padiernos)