-- Advertisements --

MANILA – Pag-aaralan pa raw ng Department of Health (DOH) ang posibilidad ng pagpapadala ng dagdag na healthcare workers sa mga lugar sa labas ng NCR Plus na may matataas na kaso ng COVID-19.

Noong nakaraang linggo nang aminin ng ahensya na kapansin-pansin na ang pagtaas ng mga kaso ng coronavirus sa Mindanao. Dahan-dahan naman daw ang pag-akyat sa bilang ng mga kaso ng sakit sa Visayas at ibang bahagi ng Luzon.

“Isa yan sa strategies na pwede natin gawin. Sa ngayon mina-mapa natin, we are trying to assess the different capacities of our regions, especially our hospitals in regions with high cases,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Kung maaalala, ilang healthcare workers mula sa ibang probinsya ang ipinadala sa NCR noong kasagsagan ng “surge” o pagsipa ng COVID-19 cases sa Metro Manila.

Ayon kay Vergeire, bagamat kasali sa stratehiya ng pamahalaan ang deployment ng healthcare workers, kailangan din daw ikonsidera ang bilang ng pwersa sa NCR Plus na siyang sentro pa ng hawaan.

“Kailangan natin balansehin because the NCR is trying to balance yung pagbaba ng kaso pero hindi pa maluwag ang mga ospital. Nasa moderate risk pa.”

“Kung hindi man makapagpadala tayo from NCR, we will identify means and ways para makatulong sa mga rehiyon at ospital na nangangailangan.”

Nagpapadala naman daw ang DOH ng pondo at supply ng gamit sa mga pagamutan na nangangailangan.

As of June 6, aabot na sa 19,178 ang kabuuang bilang ng mga healthcare workers sa bansa na tinamaan ng COVID-19. Mula sa kanila 97 na ang namatay at 115 pa ang nagpapagaling.

“Kapag tayo ay nagkaroon ng hudyat ng additional personnel titingnan natin kung saan natin sila iso-soruce out para hindi magkaroon ng kakulangan dito sa Metro Manila.”