Mas pinaigting pa ng Philippine Coast Guard ang pagpapatupad ng Maritime law enforcement operations sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.
Ito ay matapos na ipag-utos ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan ang mas pagpapaigting pa sa deployment ng maritime security group na kanilang hanay sa anim na critical regions sa buong bansa.
Sa ginanap na send-off ceremony ngayong araw na idinaos sa National Headquarters ng PCG ay pinangunahan ni PCG Deputy Commandant for Operations, CG VADM Rolando Lizor Punzalan Jr. ang deployment ng aabot sa 110 Coast Guard personnel para bumuo ng Maritime Security Law Enforcement Groups sa Central Luzon, Southern Tagalog, Central Visayas, Western Visayas, Northern Mindanao, at Southwestern Mindanao.
Ayon kay VADM Punzalan Jr., bahagi ito ng kanilang pagpapaigting pa sa kanilang commitment sa pagtataguyod ng highest standards ng maritime security upang tiyakin ang territorial integrity ng ating bansa.
Sabi naman ni Maritime Security Law Enforcement Command commander, VADM Robert Patrimonio na target ng naturang Maritime Security Law Enforcement Groups na mas palakasin pa ang maritime security drive ng pamahalaan upang siguraduhin na magiging smooth ang flow ng maritime economics sa domestic waters ng Pilipinas.
Samantala, sa datos naman ng PCG ay sinabi nito na ang mga tauhan nito na kabilang sa Maritime Security Law Enforcement Groups ay pawang mga highly trained Mula sa Coast Guard K9 Force, Coast Guard Security and Border Protection Force, Coast Guard Surface Patrol Force, at Coast Guard Sea Marshall Force.