Muling nirerepaso ng Philippine government ang deployment ng mga overseas Filipino workers sa Kuwait, kasunod ng panibagong insidente kung saan pinatay ang isang Pinay worker at inabot ng dalawang buwan bago tuluyang natagpuan ang kaniyang mga labi.
Ayon kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, ikinokonsidera nila ang ilang salik sa panibagong pagrepaso, tulad ng imbestigasyong ginagawa ng Kuwaiti police, takbo ng pagsisiyasat, at paghahain ng criminal cases laban sa itinuturong killer.
Batay sa report na hawak ngayon ng DMW, Oktubre 2024 noong opisyal na naitala ang pagkawala ng biktimang Pinay na si Dafnie Nacalaban.
Siya ay nakatakda sanang bumalik sa Pilipinas nitong Disyembre 2024.
Gayunpaman, bago natapos ang 2024 ay natagpuan ang kaniyang mga labi sa bakuran ng kaniyang Kuwaiti employer.
Ayon kay Cacdac, kailangang ikonsidera ang kaligtasan, proteksyon, at seguridad ng mga Pinoy worker na idinedeploy sa Kuwait.
Muli rin aniyang hihingin ng Philippine government sa Kuwaiti government na protektahan ang mga manggagawang Pinoy na naroon at irespeto ang kanilang karapatan at kapakanan.
Ang Pilipinas at Kuwait ay mayroong bilateral labor agreement para sa proteksyon ng mga OFW.