Nananatiling naka-deploy ang tauhan ng Philippine Army sa mga lugar na apektado sa pagsabog ng bulkang Kanlaon.
Sa kasalukuyan ay nakadeploy ang mga unit ng Army na tumutulong sa ibat ibang kaparaanan katulad ng evacuation operations, emergency needs, at iba pang kailangang respondehan.
Ang 3rd Infantry Division Phil Army ang pangunahing nakatutok sa ground kung saan umabot sa 464 na sundalong kasapi nito ang nakadeploy sa lugar.
Ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod: 47 Disaster Response Task Units (DRTUs) na nagmula sa 79th, 62nd, at 94th Infantry Battalion at 542nd Engineer Construction Battalion ng 303rd Infantry Brigade.
Kasama rin dito ang mga sundalo ng 47th at 15th Infantry Battalion ng 302nd Infantry Brigade na pawang nasa ilalim ng 3rd ID.
Ayon kay 3ID Commander Major Gen. Marion Sison, tuloy tuloy ang deployment ng mga sundalo, kasama na ang kanilang mga military truck na maaaring magamit sa ibat ibang mga pangangailangan.
Mula nang pumutok ang bulkan, umabot na rin umano sa 42 na sasakyan ng naturang dibisyon ang nagagamit sa iba’t ibang humanitarian operation doon.