-- Advertisements --
ofws kuwait Dole dswd
Returning OFWs from Kuwait (file photo from DOLE)

CAUAYAN CITY – Lilimitahan umano ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait habang iniimbestigahan ang pagpatay kay Constancia Dayag mula sa Angadanan, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi titigil ang pamahalaan hangga’t hindi nakakamit ang hustisya sa pagpatay kay Dayag.

Binigyang-diin niya na hindi papayag ang pamahalaan na walang mananagot sa pagpatay kay Dayag.

Sinabi pa ni Bello na nagpadala na siya ng notice sa pamahalaang Kuwait para mahigpit na ipatupad ang employment contract sa pagitan ng mga OFW at employer.

Dapat aniyang tingnan ng pamahalaang Kuwait ang kalagayan ng mga manggagawang Filipino para hindi papayagang makakuha ng katulong ang employer na may track record ng pagmamaltrato ng domestic helper.

Ayon kay Atty. Bello, nakipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Foreign Ministry ng Kuwait para sa forensic examination sa bangkay ng OFW na pinatay sa bugbog at mayroon pa umanong nakuhang pipino sa maselang bahagi ng kanyang katawan.

Inatasan naman niya si OWWA Administrator Bernard Olalia na alamin ang pananagutan ng recruitment agency na nagpadala sa Kuwait kay Dayag.

Iginiit ni Bello na dapat maingat ang mga recruitment agency sa kanilang pagpapadala ng mga OFW para matiyak na hindi minamaltrato ng kanilang mga employer.

Nagbabala si Bello na kakanselahin niya ang lisensiya ng recruitment agency kung may pagkukulang sa pangangalaga sa kapakanan ni Dayag.

Ipinarating din ng kalihim ang kanyang pakikiramay sa mga anak at kamag-anak ni Dayag at tiniyak na mabibgyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay.

Tiniyak ni Bello na mabibigyan ng burial benefits ang pamilya ni Dayag at scholarship mula sa OWWA ang kanyang bunso.