Inanunsyo ng Cebu City Police Office (CCPO) na posibleng tuloy-tuloy na ang deployment ng kanilang mga tauhan dahil masyadong magkadikit lang ang holiday season at ang Fiesta Señor.
Inihayag ni City Director PCol Ireneo Dalogdog na may mga ipinakalat na tauhan mula sa Regional Mobile Force Battalion-7 at posibleng hindi na muna ibabalik ang mga ito sa kanilang unit at de-deritso ng ideploy ang mga ito nitong lungsod.
Sinabi pa ni Dalogdog na asahan umano ang mas marami pang tauhan ang idideploy dito kasabay ng pagdiriwang sa Sinulog 2024.
Marami pa aniyang pagbabago sa gaganapin na Sinulog sa susunod na buwan dahil may mga rutang binabago kaya nagsagawa ng serye ng pagpupulong ang pulisya ng lungsod kasama na ang mga organizers.
Ibinunyag pa nito na mayroon na silang initial deployment plan batay na rin sa iminungkahing ruta kung saan nasa 966 ang ipapakalat sa Walk With Jesus; 919 na kapulisan ang ipapakalat sa Walk with Mary;801 na tauhan sa Translacion;sa Solemn Foot procession 1,644 personnel; at sa araw mismo ng kapistahan, 1,824 ang ipapakalat.
Maliban sa kanila, mayroon ding mga force multipliers at 50 auxilliary na nagvolunteer na ideploy para tutulong na i-secure ang pagdaraos ng Sinulog 2024.
Sa kasalukuyan, aniya, wala naman silang natanggap na anumang banta sa mga pagdiriwang ng iba’t ibang okasyon ngunit tiniyak nito na lagi silang nakabantay at nagmonitor para masigurong ligtas ang lungsod.