Inaasahan ng Bureau of Immigration (BI) na maresolba na ang deportation case laban kay Shiela Guo ngayong buwan ng Oktubre.
Ayon kay BI Board of Special Inquiry (BSI) Chairman Gulberto U. Repizo, sa oras na matanggaap na ng bureau ang position paper mula sa mga abogado ni Sheila, maaaring maresolba na nila ang kaso sa loob ng 15 araw.
Nauna na ngang nagsagawa ng clarificatory hearing kaugnay sa kaso ni Shiela na dinaluhan naman ng respondent. Dito, inatasan si Shiela, na kasalukuyang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation, na magsumite ng kaniyang position paper.
Sa oras na may findings at mga rekomendasyon na ang Board, isusumite ito sa Board of Commissioners na kinabibilangan nina BI Chief Joel Viado at Deputy Commissioners para bumalangkas ng final ruling.
Sakali man na ipag-utos ang deportation ni Guo, una ng sinabi ng BI na ipapadeport lamang si Shiela kapag mayroon ng resolution sa lahat ng nakabinbing criminal cases na inihain laban sa kaniya at kapag nakumpleto na ang lahat ng iba pa niyang pananagutan sa bansa.
Matatandaan na una ng kinasuhan ng BI si Sheila sa pagiging undesirable alien nito at misrepresentation bilang Pilipino matapos madiskubreng mayroon siyang Chinese passport na may pangalang Zhang Mier.
May kinakaharap ding kaso si Shiela Guo sa Pasay city court para sa disobedience sa mga summon na inisyu ng Senado at paglabag sa PH Passport Act dahil sa paggamit ng pekeng PH passport.
Mayroon ding nakabinbing money laundering case na inihain sa Department of Justice laban kay Shiela.