GENERAL SANTOS CITY – Pinuproseso na ng Bureau of Immigration (BI)-Davao City ang mga dokumento upang maipa-deport pauwi sa kanilang bansa ang walong undocumented Chinese nationals na nahuling nagti-treasure hunting sa Sarangani Bay.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan kay Joyce Nerona sa BI-Glan, sinabi nitong lilitisin muna ang nasabing mga dayuhan subalit anuman ang magiging desisyon ng korte ay siguradong maipapa-deport ang mga ito pauwi sa China.
Nabatid na kinilala lamang ang mga ito bilang sina Chua, Lau, Chan, Chin, Chang, Wang, Zhwaang at Chang.
Una rito, naaktuhan ang mga Tsino sa karagatang sakop ng Barangay Pinol, Maitum, Sarangani Province na sakay ng Chinese Barge Dungfu 881 kaya’t hinuli ng Philippine Coast Guard.
Hinuhukay umano ng mga ito ang mga bakal mula sa lumubog na Japanese vessel noong World War ll sa nabanggit na bahagi ng karagatan.