-- Advertisements --

Minamadali na ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpapa-deport sa mga dayuhang manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operator(POGO) na naaresto sa malawakang operasyon na ikinasa ng mga otoridad.

Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, kailangang mapadali ang deportation sa mga manggagawa at magtuloy-tuloy na maibalik ang mga ito sa kani-kanilang lugar bilang pagtalima sa polisiya ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na pagbawalan ang lahat ng operasyon ng POGO.

Sa pagpasok ng Enero 2025, tatlong Chinese ang na-deport pabalik sa Xiamen, China. Kinilala ang mga ito bilang sina Lyu Xun, 23anyos; Kong Xiangrui, 26anyos; at Wang Shangle, 25 anyos.

Ang mga ito ay kasama sa 450 illegal POGO worker na naaresto sa isang operasyon sa Parañaque City noong Enero-8.

Ayon kay Viado, unang batch pa lamang ito ng mga deportees, habang minamadali na rin ang deportation papers ng iba pang mga naarestong banyaga dahil sa paglabag sa immigration law ng bansa.

Muli ring umapela ang komisyuner sa mga banyagang iligal na nananatili sa Pilipinas na sumuko na at huwag nang hintaying pwersahan silang paalisin sa bansa.

Apela ni Viado, mas nakabubuting makipag-cooperate na ang mga ito upang maiwasan ang kahihiyan dulot ng pwersahang deportation.