-- Advertisements --

Nilalayon ng Pilipinas na makaakit ng halos 5 milyong dayuhang bisita ngayong taon, ayon sa Department of Tourism.

Kung matatandaan, may kabuuang 2.6 milyong turista ang dumating sa bansa noong taong 2022.

Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, upang makamit ang kanilang layunin, sinabi niya na ipinatupad ng gobyerno ang eTravel, ang one-stop electronic travel declaration system ng bansa.

Nakikipagtulungan din ang Department of Tourism sa Department of Transportation sa pagpapabuti ng mga pangunahing gateway sa bansa, tulad ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, Cebu City Pier 1 at Davao International Airport, ani Frasco.

Naglunsad din aniya ang ahensya ng ilang proyekto tulad ng “Philippine Experience” at “Bisita Be My Guest” para lalo pang mapalakas ang turismo sa bansa.

Noong nakaraang taon, ang target ng Pilipinas para sa mga international arrival ay itinakda sa 1.7 milyon na kung saan nalampasan nila ang bilang na ito dahil na rin sa pagluluwag ng borders ng Pilipinas.

Sa ngayon, patuloy pa din ang mga isinasagawang proyekto ng nasabing ahensya upang makamit ang kanilang ninanais na bilang ng mga pumapasok na turista sa ating bansa.