-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Ginagamot ngayon sa ospital ang isang negosyante na itinalagang deputy governor ng South Cotabato matapos na tagain ng nag-amok na may deperensiya sa pag-iisip sa bayan ng Tupi, South Cotabato.

Ito ang kinumpirma ni Police Captain Junel Rey Gatera, hepe ng Tupi PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ni Gatera ang biktima na si Arnold Guerrero, isang negosyante at may-ari ng Matutom Blooms habang ang suspek ay si Joey Dawang, nasa legal na edad, kamag-anak ng biktima na kapwa mga residente ng nabanggit na lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na pumasok na walang pahintulot sa Matutom Blooms sa Sitio Galnadng, Brgy. Kablon, Tupi, South Cotabato pasado alas-10 kaninang umaga ang suspek at nag-amok habang abala sa ginagawang construction si Guerrero at mga tauhan nito.

Sinita umano ng guwardiya ang si Dawang ngunit sa halip na umalis ay pinabalingan nito si Guerrero at tinaga na tinamaan sa kanyang balikat.

Agad naman na gumanti ng putok ang biktima gamit ang caliber 45 kung saan tinamaan ang suspek sa dibdib na nagging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Dinala naman sa pagamutan sa lungsod ng General Santos ang biktima para sa medikasyon.

Narekober naman sa crime scene ang caliber 45 at itak na ginamit ng suspek.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pangyayari.