ILOILO CITY – Iniimbestigahan ng kampo ni Deputy Speaker Loren Legarda ang umano’y patuloy na pagdaong ng Chinese vessels sa Semirara Mining and Power Corporation (SMPC) sa Semirara Island sa Caluya, Antique.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Ipat Luna, environmental consultant ni Legarda, sinabi nito na kailangang malaman ng publiko ang aktibidad ng nasabing mining company dahil napag-alamang may Chinese vessels di-umano na dumadaong sa isla at kumukuha ng coal mula sa Semirara Mining and Power Corp. ngunit ito ay may distansya na dalawang milya mula sa isla.
Ayon kay Ipat, ang pumupunta sa barko upang mag-inspeksyon sa quarantine, customs at immigration ay ang local na gobyerno.
Napag-alamang ang unang kaso ng Coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa Antique ay mula sa Semirara Island sa Caluya, Antique at ito ay sinundan ng tatlo pang positive na nakaclose contact ng unang pasyente.
Samantala, ayon naman sa official statement ng Semirara Mining and Power Corp., ang lahat ng foreign at domestic vessels na may coal cargo mula sa mine site ng kompanya ay may koordinasyon sa lahat ng ahensya ng gobyerno.
Ayon sa kompanya, ang pag-load ng cargo ay ginagawa habang sinusunod ang protocol ng national at local government.
Dagdag pa ng kompanya, upang malimitahan ang panganib ng Covid-19 transmission, sumusunod rin ang kompanya sa mga regulasyon ng Bureau of Quarantine, Bureau of Immigration at Bureau of Customs.
Hindi rin naman daw bumababa ang mga crew members ng vessel mula pa noong Pebrero bilang pagsunod sa “no disembarkation” policy ng Caluya, Antique.