CAGAYAN DE ORO CITY – Mahaharap sa kasong paglabag sa anti-carnapping at anti-fencing law si Capt Santos Libres Monares na deputy commander sa Marawi City Police Office sa Iligan City.
Ito ay matapos naaresto si Monares habang nagmamaneho sa kanyang sinaksakyan na Ford Everest na itinuring na “hot car.”
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Marawi City Police Office director Col. Tomas Pantaleon na nabigo si Monares na maipakita ang rehistro ng kanyang kulay puti na sasakyan nang sinita ng PNP Highway Patrol Group.
Natuklasan na nabili lamang pala ito ng opisyal sa isa pang police official na nakadestino sa Police Regional Office-10.
Batay sa pag-usisa sa LTO record, lumalabas na nagmula sa Sta. Ana, Metro Manila ang may-ari ng sasakyan na naharang ng PNP-HPG sa Iligan City nitong nakalipas na linggo lamang.