KORONADAL CITY – Maghaharap sa gubernatorial race sa lalawigan ng South Cotabato sina 2nd district congressman and deputy speaker for Mindanao Ferdinand Hernandez at incumbent Governor Reynaldo Tamayo Jr.
Ito ay matapos na opisyal na nakapaghain na ng kani-kanilang certificates of candidacy ang mga ito sa provincial comelec office ng South Cotabato.
Kaninang umaga ay opisyal na naghain ng kanyang COC si Hernandez kasama ang mga kapartido nito habang noong Sabado naman ay nakapaghain na ng kanyang COC si incumbent Governor Tamayo.
Naghain din ng kanyang COC upang kumandidatong kongresista ng segundo distrito ng South Cotabato si former Governor Daisy Avance-Fuentes kung saan makakatunggali nito si Koronadal City Vice Mayor Peter Miguel.
Habang ang asawa naman ni 1st District Congresswoman Shirlyn Nograles na si Danny Nograles at Polomolok ex-Mayor Ed Lumayag ang maghaharap sa congressional race sa unang distrito ng South Cotabato.
Ngayon pa lamang ay mainit na ang usapin sa pulitika sa probinsiya dahil sa banggaan ng nabanggit na mga kandidato at ang patuloy na pukulan ng mga patutsada ng kani-kanilang mga supporters.
Kung matatandaan noong nakaraang eleksiyon ay itinaas ng nakakulong ngayon na KAPA Founder na si Pastor Joel Apolinario ang kamay ni incumbent Governor Tamayo at hinikaya’t ang mga libo-libong myembro nito na suportahan ang kandidatura ng opisyal.
Isa rin sa mga dahilan ang KAPA supporters kung kaya’t natalo ni Tamayo si former Governor Fuentes.
Ngunit sa darating na eleksiyon ay mas matalino na ang mga mamamayan sa pagboto sa nararapat na mga kandidato sa pwesto.