Kinumpirma ni Senior Deputy Speaker Salvador “Doy” Leachon na nagpositibo ito at kanyang asawa sa COVID-19.
Ayon kay Leachon, kapwa sila dinapuan ng kanyang asawang si Rona ng nakamamatay na virus ngunit maayos na raw ang kanilang kondisyon.
Kuwento pa ng mambabatas, mas matindi umano ang sintomas na naranasan ng kanyang asawa, na nagkalagnat ng walong araw.
Pero nakarekober naman aniya ang kanyang kabiyak kung saan hindi na ito nilagnat sa nakalipas na anim na araw at hindi na rin daw inuubo.
Nagnegatibo naman aniya sa COVID-19 ang kanilang tatlong anak, kanilang kasambahay, mga drivers at security escort.
Maliban kay Leachon, nasa 11 iba pang mambabatas mula sa Kamara ang nagpositibo sa deadly virus.
Ito ay sina Zamboanga City Rep. Mannix Dalipe, Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, 1-PACMAN party-list Rep. Eric Pineda, Cavite Rep. Luis “Jon-Jon” Ferrer IV, Deputy Speaker Mujiv Hataman, at Surigao Del Sur Rep. Johnny Pimentel.
Ang iba pang mga mambabatas na kinapitan ng coronavirus ay sina Bulacan Rep. Henry Villarica, Sulu Rep. Samier Tan, Northern Samar Rep. Paul Daza, Senior Citizens party-list Rep. Francisco Datol Jr., at Sorsogon Rep. Ditas Ramos.
Sumakabilang buhay sina Datol at Ramos makaraang magpositibo sa sakit.