Hiniling ni Deputy Speaker at Batangas 6th District Rep. Ralph Recto kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na buwagin na ang Procurement Service of the Department of Budget and Management (DBM) at ang Philippine International Trading Corp. (PITC) na nasa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa pagkakasangkot sa maanomalyang deals at hindi nai-deliver na government supplies.
Ang dalawang ahensiya ay nagsisilbing purchasing arms ng gobyerno kung saan nakikipagkontrata ang ibang ahensiya ng gobyerno ng may fee para makabili ng mga kinakailangang goods kabilang ang personal protective equipment (PPE) sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Nalikha sa pamamagitan ng dalawang ahensiya ang pasa-buy scheme sa mga binibili ng gobyerno na layong makatipid para sa bultong pagbili ng kalidad na produkto.
Subalit iginiit ni Recto na ang daalwang ahensiya na ito ang palaging starring sa report ng COA pagdating sa aberya sa procurement.
Ginawa ng deputy speaker ang naturang panawagan matapos lumabas ang report ng COA na may kinalaman sa kwestyonableng transactions ng PS-DBM sa pagbili ng P2.4 billion na outdated na laptops para sa DepEd.
Sangkot din ang PS-DBM sa multi-billion deal sa Pharmally Pharmaceuticals na nagbunsod sa Senate inquiry sa pagbili ng substandard na PPEs.
Sinabi din ng mambabatas na mayroon pang hindi naibibigay o nai-deliver na goods, equipment at infrastructure sa kanilang mga kliyenteng ahensiya ng gobyerno na nagkakakahalaga ng P63.1 billion noong August ng nakalipas na taon.
Kaugnay nito, inirekomenda ng mambabatas na dapat ibalik ng Marcos administration sa dating sistema kung saan ang end-users ang magsasagawa ng bidding gaya na lamang sa procurement ng laptops sa mga guro dapat pangasiwaan ng DepEd.