Ipinasok ni DeMar DeRozan ang dalawang free throws habang may natitira pang isang segundo sa regulation para ibulsa ng San Antonio Spurs ang 108-106 paglusot sa Memphis Grizzlies.
Tangan ng Spurs ang 102-94 abanse habang may natitira pang 3:20 minuto matapos pumukol si Dejounte Murray ng 3 points.
Ngunit sa pangunguna ni Ja Morant ay nagpumilit ang Memphis na humabol kung saan natapyas nito ang kalamangan sa tatlo, 106-103.
Nabigyan ng pagkakataon si DeRozan na masiguro ang panalo pero nagmintis ang dalawa nitong pagtatangka kaya nagkaroon ng pagkakataon ang Grizzlies na itabla ang laban sa 106 nang magpakawala ng 3-points si Jaren Jackson Jr. habang may 10.6 seconds pang natitira sa orasan.
Akala ng dalawang koponan ay hahantong sa overtime ang laban pero natawagan si Dillon Brooks ng foul kay DeRozan na naibuslo naman ang dalawang free throws para sa panalo.
Kumubra si Murray ng 21 points at 10 rebounds upang pamunuan ang Spurs, kahit wala ang superstar na si LaMarcus Aldridge na nagpapagaling pa mula sa shoulder injury.
Naging sandigan naman si Morant ng Memphis na nananatiling No. 8 sa West playoff race na may 25 points, siyam na rebounds at siyam na assists.