Tuluyan na ring inihain sa Kamara ang panukalang batas na magpapahintulot sa pangulo na magtalaga ng kanyang sariling “successor” sa oras na mamatay o hindi kayang gampanan ng punong ehekutibo, ng Bise Presidente, Senate Presidente at House Speaker ang naturang posisyon.
Ang inihaing House Bill 4062 ni Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo, na kahalintulad ng bersyon ni Sen. Panfilo Lacson sa Senado, ay tatawaging “Presidential Succession Act.”
Sinabi ni Castelo sa explanatory bill nito na sa taunang State of the Nation Address ng Presidente, maraming mga matataas na opisyal ng pamahalaan kabilang na ang Bise Presidente, Senate President at House Speaker, ay nagsama-sama sa iisang venue.
Gaano man aniya katindi at istrikto ang seguridad tuwing SONA, hindi naman maiaalis ang posibilidad na may mangyaring trahedya.
Batay sa 1987 Constitution, kung mamatay, magtanggal o magbitiw sa puwesto, at kung hindi na nito kayang gampanan ang kanyang trabaho, maaaring palitan ang Presidente ng Bise Presidente, sunod ang Senate President at House Speaker.
“However, in the unlikely chance that all of these officials become unavailable to fill in the role of the President, our supreme law does not provide a rule. During SONA, or during any other assembly where these officials are gathered, the probability of this happening becomes greater,” ani Castelo.
“Since our Constitution does not provide for the same rule, we can only imagine how tragic the outcome will be in case the unthinkable happens,” dagdag pa nito.