Humanga ang marami sa performance ni Binibing Pilipinas Grand International Samantha Lo sa preliminary competition ng Miss Grand International 2019.
Ito ay matapos ang kontrobersiya sa passport ng beauty queen, dahilan kaya ito nahuli sa pagdating sa Venezuela.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa designer ni Lo na si Edwin Uy, sinabi nitong ipinagmamalaki niya ang alaga dahil sa ipinakita nitong performance partikular na sa National Costume competition.
Luma man ang nagamit nitong costume ay nagpamalas pa rin umano ito ng isang “superb” na performance.
Naiwan umano sa Paris ang ilan sa bagahe ng beauty queen, kung saan naman naroon ang national costume nito.
“Ang performance ni Samantha nung gabing iyon, kahit ang ginamit niya ay ang lumang costume niya noong Binibining Pilipinas, is still superb. Nakita ko kung gaano niya na impress ang mga tao. So I was really happy, kahit hindi niya nagamit yung costume na dapat nakalaan sa pageant na yun na ginawa ko. Dun ako naniniwala na kung minsan, may mga nangyayari sa buhay natin na hindi natin ma-explain, pero meron talagang dahilan. Kaya kung ano man yung nangyari sa kanya, na yun ang nagamit niyang costume na hindi bago, yun ay sa tingin kong ginusto na din ng Diyos. Kaya nagpapasalamat na rin ako sa Panginoon.”
Dagdag pa ng designer, naniniwala siyang ipinakita lang ni Lo na deserving siyang manalo sa naturang international pageant dahil sa kanyang katapangan at lakas ng loob na ipagpatuloy pa rin ang kompetisyon.
“Yung dinanas ni Samantha ay hindi biro. Isa itong very traumatic experience na hindi basta kakayanin ng isang ordinaryong babae. Panghihinaan sila ng loob kung ibang tao yun. Pero para sa kanya, tinuloy niya ang laban. Pumunta siya doon. Pinakita niya ang strength niya, at ang pagiging resilient niya. Wala akong makitang ibang dahilan para hindi siya tanghaling reyna ng Miss Grand International.”
Nagpaabot din ito ng pasasalamat sa mga sumusuporta sa dalaga. Ibinahagi rin nitong isa si Lo sa mga pinakamabuti niyang nakatrabaho na beauty queen.
“Para po sa mga sumusuporta kay Samantha, ipagpatuloy niyo po ang pag suporta sa kanya. Kasi deserving po siya talagang maging queen. Sa pinakita niyang strength niya at talino, hindi lang po yun ang asset niya. Napakabait po na tao niyan. Sa dami po ng nabihisan ko na mga beauty queen, isa po siya sa masasabi kong napakabait at marunong tumanaw ng utang na loob. Kaya sa mga nagba-bash sa kanya, marami pong nagkakamali sa inyo. Nami-miss judge niyo siya. Totoong tao po si Samantha. She has all what it takes to be a queen. Hindi lang po physical beauty, pati po inner beauty.”
Gaganapin ang Miss Grand International 2019 sa Caracas, Venezuela, sa Sabado, alas siyete ng umga, oras sa Pilipinas.