Binigyang-diin ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nakadepende pa rin sa mga local government units (LGUs) kung papayagan sa Bagong Taon ang mga consumer pyrotechnics o mas kilala rin bilang mga pailaw.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, ito ay batay sa Executive Order No. 28 kung saan nakasaad na ipinapaubaya na sa mga LGUs ang pagpapatupad ng mga kinakailangang patakaran kaugnay sa mga paputok at iba pang mga pyrotechnic device sa kani-kanilang lugar.
Dahil dito, sinabi ni Malaya na nasa kamay na ng mga lokal na pamahalaan ang bola kung maglalabas ang mga ito o hindi ng special permit para sa pagbebenta ng mga pailaw sa kanilang mga nasasakupan.
“Therefore, as authorized by their respective ordinances and issuances, LGUs may or may not issue special permits for the sale of consumer pyrotechnics or “pailaw” in their respective jurisdictions,’’ saad ni Malaya.
Tinukoy ng PNP ang iba’t ibang mga klase ng pailaw gaya ng butterfly, fountain, luces, mabuhay, roman candle, sparklers, at trompillo.
Samantala, muling iginiit ng DILG na umiiral pa rin kautusan kaugnay sa mahigpit na regulasyon sa paggamit ng mga paputok at pyrotechnics.
Ito rin aniya ay para malimitahan ang mga mass gatherings bilang pag-iingat na rin laban sa hawaan ng COVID-19 ngayong holiday season.