Layunin ng Commission on Elections (Comelec) na resolbahin ang disqualification petition na inihain laban sa voting technology provider na Smartmatic sa Nobyembre 22.
Umaasa si Comelec Chairman George Garcia, na sa darating na Miyerkules ay magkakaroon na sila ng desisyon ukol sa naturang petisyon. Sinabi ni Garcia na ang petisyon ay para sa disqualification hindi blacklisting.
Matatandaan na noong Hunyo, naghain ng petisyon sina dating Information and Communications Technology Secretary Eliseo Rio, dating Comelec Commissioners Augusto Lagman, Franklin Ysaac, at Leonardo Odoño na nananawagan para sa pagsusuri sa mga kwalipikasyon ng Smartmatic.
Sa kabila ng nakabinbing resolusyon ng disqualification petition, nakibahagi ang Smartmatic sa pre-bid conference para sa bagong automated election system para sa 2025 midterm elections.
Una nang inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na hindi bababa sa limang kumpanya ang inaasahang magsusumite ng kanilang bid para sa P18 billion vote counting machine contract.