Posible raw na maglabas na ang Commission on Elections (Comelec) en banc ng desisyon kaugnay pa rin sa hirit ng ilang mambabatas na palawigin pa ang voter registration.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, maaaring sa Setyembre 29 raw ilalabas ng Comelec ang kanilang desisyon.
Nakatakda pa lamang daw kasing magpulong ang Comelec management committee para pag-usapan ang naturang isyu.
Una rito, nanindigan ang Comelec na hanggang Setyembre 30 na lamang ang huling araw ng registration.
Gayunman, kumambiyo naman ang poll body nang magbanta ang Senado na tatapyasan ang kanilang pondo kapag hindi sila magsasagawa ng voter registration extension.
Sinabi ni Comelec Chairman Sherif Abas na isang linggo lamang ang kaya nilang ibigay para sa pagpapalawig ng registration at ito ay posibleng isagawa pagkatapos ng filing ng certificate of candidacy (CoC) sa Oktubre 1 hanggang 8.
Una nang ipinaliwanag ng Comelec na ayaw na nilang magkaroon ng extension dahil magagahol na ang mga ito sa paghahanda sa 2022 national at local elections.
Maliban dito, sinabi ni Jimenez added na nalagpasan na rin nila ang target ng Comelec na bagong registrants na apat na milyon dahil sa ngayon ay mahigit limag milyon na ang mga bagong botante.