-- Advertisements --

Posibleng sa Pebrero o Marso na umano magpasya ang mga organizers ng Tokyo Olympics kung kanila nang papayagan ang pagtungo ng mga spectator upang manood ng mga laro sa Hulyo.

Kung maaalala, nagpasya ang Japanese government at ang International Olympic Committee na ipagpaliban muna ang 2020 Olympics at ilipat na lang ito sa Hulyo 2021 dahil sa pandemya.

Iginiit din ng mga organizers na dapat ay matuloy na ang Games ngayong taon, sa kabila ng pagsirit ng mga COVID-19 cases at ang pag-anunsyo ng pamahalaan na palawigin ang state of emergency upang mapigil ang pagkalat ng virus.

Sa ngayon, wala pang ibinababang desisyon kung papayagan ang mga manonood sa mga venues, at ang mga ticket holders na ayaw nang manood ay nag-apply na rin ng refund.

“I think we will have to make a very difficult decision around February to March,” wika ni Tokyo 2020 Organizing Committee President Yoshiro Mori.

Noong nakaraang Biyernes, pumalo sa 7,882 ang bilang ng mga naitalang positibo, dahilan para sumirit sa halos 300,000 ang total cases.

Una rito, sinabi ni senior International Olympics Committee (IOC) member Dick Pound na dapat ay bigyan ng priority access ang mga atleta sa bakuna upang matuloy ang Games sa Hulyo 23. (Reuters)