CENTRAL MINDANAO – Inatake ng mga armadong grupo ang isang Army/Cafgu detachment dakong alas-9:45 kagabi sa probinsya ng Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao police provincial director Col. Ronald Briones na sinalakay ng mga pinaniniwalaang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang detachment ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) sa ilalim ng 38th Infantry Battalion Philippine Army sa Brgy. Kauran, Ampatuan, Maguindanao.
Sinasabing natunugan kaagad ito ng mga para-military troopers na gumanti ng putok sa mga rebelde.
Tumagal ng halos isang oras ang palitan ng putok sa magkabilang panig na nagdulot na sobrang takot sa mga sibilyan.
Umatras ang mga terorista nang paputukan na sila ng mga sundalo gamit ang 81mm mortar at 105mm Howitzers cannon.
Isang Cafgu ang nadaplisan ng bala sa kanyang braso habang tatlo ang naiulat na nasawi sa BIFF at marami ang nasugatan.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng mga sundalo at Cafgu laban sa BIFF sa bahagi ng Brgy Kauran.