ILOILO CITY – Nagpapatuloy ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad kasunod ng pagsalakay at pagpapaputok ng umano’y mga rebelde sa detachment ng 1st Iloilo Provincial Mobile Force Company sa Barangay Mayang, Tubungan, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Mary Grace Borio, spokesperson ng Police Regional Office 6, sinabi nito na nagising na lang ang mga residente kagabi matapos makarinig ng sunod-sunod na putok ng armas.
Ayon kay Borio, patuloy pa nila na inaalam ang pagkakilanlan ng mga umano’y mga rebelde na nasa likod ng insidente.
Nilinaw naman nito na walang pulis na nasugatan o casualty na naitala sa pangyayari.
Ngunit inaalam pa anya kung may mga nasugatan sa panig ng mga rebelde.
Nagpaalala rin ito sa mga residente na maging mapagmatyag at ipagbigay alam kaagad sa mga otoridad kung may kahina-hinalang pangyayari sa kanilang paligid.
Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang mga bala at iba’t-ibang uri ng pampasabog.