ILOILO CITY – Nakatanggap na dati pa ng banta galing sa New People’s Army (NPA) ang Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa Barangay Pudpud, Miag-ao, Iloilo.
Ito ay kasunod ng pagsalakay at pagsunog ng NPA sa dalawang motorsiklo ng CAFGU members.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Police Major John Kenneth Tumambing, hepe ng Miag-ao Municipal Police Station, sinabi nito na ang grupo ng Suyak Platoon ng Komiteng Rehiyon Panay-Southern Front Committee na pinamumunuan nina Ka Lex at Ka Ronron ang umatake sa detachment unit ng CAFGU.
Bago pa man ang nangyaring engkuwentro ayon kay Tumambing, nagsasagawa ng “change of sentinel duty” ang mga CAFGU ng kanilang makita na nasusunog ang dalawang motorsiklo na naka-park malapit sa detachment.
Sa hindi inaasahan, pinaulanan ng bala ng NPA ang mga CAFGU na kaagad namang nakapag-return fire.
Sa halos 20 minutong bakbakan, walang may nasugtan o namatay sa panig ng CAFGU.