-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Patay ang isang detainee matapos na magbigti sa loob mismo ng custodial facility ng Aritao Police Station sa Barangay Poblacion, Aritao, Nueva Vizcaya.

Ang nagpakamatay ay si Dominador Valdez Jr., 37 anyos, may-asawa, laborer at residente ng Barangay Kirang, Aritao, Nueva Vizcaya.

Siya ay inaresto sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Lumabas sa imbestigasyon ng Aritao Police Station na dakong alas dose ng hatinggabi nang matuklasan ang nakabitin na katawan ni Valdez.

Ito ay nakita ng kapwa niya Person Under Custodial Facility (PUCF) na si Nestor Sadinas, 51 anyos at magsasaka nang magtungo comfort room para sa personal necessity.

Nagbigti si Valdez gamit ang basketball short cord na itinali sa rehas ng bintana ng comfort room.

Bago nagbigti ay nag-iwan ng mensahe si Valdez na isinulat niya sa karton na nagsasabing ihatid ang kanyang mga personal na gamit sa kanyang mama.

Nang maiparating kay duty building guard PCpl Romel Wakit ang pangyayari ay agad niyang ipinabatid ito sa Rescue Team ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na siyang kumuha sa katawan ni Valdez.