-- Advertisements --

Ilalabas na umano ng pamahalaan ang ilalatag na plano para sa nakatakdang pagpapabakuna ng milyun-milyong mga Pilipino laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III, mahalaga ang nasabing plano upang maiwasan ang anumang aberya sa oras na magsimula na ang pagtuturok ng bakuna laban sa coronavirus.

Tiwala rin si Duque na hindi magkakaproblema ang bansa kapag inumpisahan na ang pagpapabakuna sa mga Pilipino.

Mayroon din umano silang binuong formula para mabatid kung sino ang unang tuturukan ng bakuna.

Paglalahad ng kalihim, nahahati sa limang kategorya na kinabibilangan ng mga healthcare workers, matatanda, may sakit, mahihirap na pamilya, at mga uniformed personnel tulad ng AFP o PNP.

Maaari aniya na sa buwan ng Marso na maasahan ang simula ng pagpapabakuna kontra sa COVID-19.

Hindi naman sinabi ni Duque kung ano ang bakuna na posibleng iturok sa mga Pinoy.

Una nang sinabi ni Duque na nakadepende raw ang distribusyon sa requirement ng kada bakunang ilalabas.

Dahil ilang dekada na rin aniyang nagsasagawa ng vaccination drive ang bansa, posibleng ang programa para sa COVID-19 vaccine ay ibabase sa mga umiiral nang sistema.

Umaasa ang gobyerno na mababakunahan ang nasa 50 hanggang 60 porsyento ng populasyon ng bansa upang maabot ang herd immunity laban sa COVID-19.