Ibinahagi ng aktres na si Lotlot de Leon ang mga detalye ng burol at libing ng kanyang inang superstar at National Artist na si Nora Aunor.
Batay sa kanyang mensahe, gaganapin ang public viewing sa Abril 19 at 20 sa The Chapels sa Heritage Park.
Itinakda rin ang mga araw ng pagbisita para sa pamilya at mga kaibigan ng superstar.
Dahil si Nora ay Pambansang Alagad ng Sining, magaganap ang kaniyang libing sa Abril 22 sa Libingan ng mga Bayani.
Inaasahan ang mga state necrological services bilang parangal kay Aunor ayon naman sa National Commission for Culture and the Arts.
Si Nora Aunor, na ipinanganak bilang Nora Cabaltera Villamayor sa Iriga City, Camarines Sur, at nagsimula sa mundo ng entertainment noong dekada 1960 bilang mang-aawit at nakilala dahil sa kanyang “golden voice.”
Ginampanan niya ang mahuhusay na papel sa mga pelikula tulad ng “Himala” noong 1982, “Bulaklak sa City Jail” noong 1984, at “The Flor Contemplacion Story” noong 1995.
Ginawaran siya ng mga parangal para sa kaniyang husay sa pag-arte, kabilang ang Best Actress sa Gawad Urian at FAMAS para sa kanyang pagganap sa “Tatlong Taong Walang Diyos.”
Isa sa naging usap-usapan ukol kay Nora ang pag-iba niya ng relihiyon mula sa pagiging Katoliko patungo sa pagpapabinyag niya sa Members of the Church of God International o nakilala noon bilang Ang Dating Daan.